Kaligtasan sa Internet

Magtanong

Ang pinakamagandang paraan upang malaman kung ano ang ginagawa ng iyong mga anak online ay ang magtanong. Sino man ang tatanungin mo kung paano sila gumamit ng Internet, mga kapwa mo man magulang, isang kaibigang mahilig gumamit ng Internet o ang iyong anak, makakatulong sa iyo ang tamang pagtatanong upang maunawaan kung ano ang ginagawa ng iyong anak online upang makatiyak ka na gumagawa sila ng mga ligtas na desisyon online.

Mga dapat itanong sa iyong anak:

  • Anong mga site ang binibisita mo?
  • Anong mga ginagawa mo sa mga site na iyon?
  • Bakit mo pinupuntahan ang site na iyon?
  • Gaano ka katagal sa site?
  • Kinailangan mo bang magparehistro?
  • Anong mga impormasyon ang hiningi nila?
  • Anong mga impormasyon ang ibinigay mo?

Maglaan ng oras sa pagsu-surf sa Web kasama ng iyong anak. Isa itong napakagandang paraan upang malaman kung anong mga uri ng mga pakikipag-ugnayan ang ginagawa ng iyong anak online, at kung kanino.

Makipag-usap

Kapag alam mo na kung paano ginagamit ng iyong anak ang Internet at kung ano ang available sa kanila, makakabuo ka na ng mga online na alituntunin at batas. Ito man ay pagtatakda ng mga alituntunin tungkol sa kung aling mga site ang maaari nilang bisitahin o sa kung anong mga bagay ang maaari nilang gawin online, mahalagang sabihin nang malinaw sa iyong anak ang tungkol sa mga batas.

Pag-usapan ninyo ng iyong anak nang madalas ang mga posibleng peligro at kung ano ang dapat gawin sa iba’t ibang sitwasyon. Hikayatin ang iyong anak na magtanong tungkol sa mga sitwasyong nararanasan niya. Kung alam mo ang mga peligrong kinakaharap ng iyong anak, at kung pinag-uusapan ninyo nang madalas ang tungkol sa mga peligrong iyon, makakatulong ang mga iyon na mapahusay ang kanilang pagdedesisyon at pagiging responsable tungkol sa paggamit ng Internet.

Mga Batas Tungkol sa Kaligtasan

Bagama’t nag-aalok ang Internet ng mga kahanga-hangang pagkakataon upang malibang, makaalam, makakonekta at higit pa, dapat maunawaan ng sinumang mag-o-online ang pangunahing kaalaman tungkol sa Online na Kaligtasan. Mahalagang turuan ang iyong mga anak tungkol sa mga pangunahing kaalamang ito.

  1. Huwag kailanman magbahagi ng mga Account ID at password kung hihingiin ng mga kaibigan o hindi kakilala, online man o offline.
  2. Huwag magpakita ng personal na nakakapagpakilalang impormasyon sa iyong mga Screen Name, gaya ng iyong kaarawan, mga hobby, bayang pinagmulan o paaralan.
  3. Sa kahit na anong palitan ng impormasyon, tulad ng e-mail o chat, huwag kailanman magbigay ng personal na impormasyon tungkol sa iyong sarili o sa iba.
  4. Huwag magbahagi ng mga larawan ng iyong sarili, ng iyong pamilya o ng iyong tahanan sa mga taong nakilala mo online.
  5. Huwag kailanman magbukas ng mga e-mail na nagmula sa mga hindi kilalang pinanggalingan. I-DELETE ang mga iyon.
  6. Kung nakatanggap ka ng masasamang komento o banta online, huwag sumagot. Mag-log off at sabihin ang nangyari sa iyong mga magulang.
  7. Hindi ganap na pribado ang kahit na anong sinusulat mo sa Web. Maging maingat sa kung ano ang iyong isinusulat at kung kanino.
  8. Huwag kailanman magplanong makipagkita nang personal sa isang online na “kaibigan.”
  9. KAPAG NAG-AALANGAN: Palaging humingi ng tulong sa iyong mga magulang. Kung hindi ka sigurado, mag-log off.

Mga Cyber Bully

Kung posibleng makaranas ng pambu-bully o pang-aaway ang isang bata mula sa iba pang mga estudyante sa paaralan, maaari din siyang makaranas ng pambu-bully online. Ang mga “cyber bully” na ito ay maaaring magpadala ng masasakit o mapanirang salita o larawan sa pamamagitan ng Internet o isang electronic device tulad ng cell phone, upang ma-harass, hiyain, hamakin at bantaan ang kanilang target. Kabilang sa iba pang anyo ng pambu-bully ang pagha-hack ng password, pagnanakaw ng pagkakakilanlan at pamba-blackmail. Maaaring maging mga bully o kaya naman ay mga biktima ang mga bata. Bagama’t maaaring hindi kilala ang ilan, madalas na ang mga cyber bully ay mga batang kilala ng bata sa kanyang school, camp, pangkat sa komunidad o kapitbahayan.

Mahalaga ang bukas na pakikipag-usap sa mga anak tungkol sa kung paano pakikutunguhan ang mga usapin tungkol sa cyber bullying. Kung makakaranas ang iyong anak ng isang uri ng cyber bullying, tandaang nabubuhay ang mga bully sa mga magiging reaksyon ng kanilang mga target. Dapat iwasan ng mga bata na palalain ang sitwasyon sa pamamagitan ng hindi pagsagot sa bully. Dapat makipag-ugnayan ang mga magulang sa kanilang mga lokal na awtoridad kung magpapatuloy ang problema. Tiyaking i-save ang lahat ng mensahe, kasama na ang mga petsa at oras.

Mga Magagamit

May mga batang dalawang taong gulang pa lang ay gumagamit na ng Internet kasama ng kanilang mga magulang. Gayunpaman, habang lumalaki sila, maaari na nilang simulang tuklasin ang online na mundo nang sila lang, nang may suporta at gabay na kaya mong maibigay hangga’t maaari. Nasa sa mga magulang na kung anong mga paghihigpit ang ilalagay at kung kailan magluluwag habang lumalaki ang mga bata at nagiging mas marunong sa kanilang pagdedesisyon. Narito ang ilang magagamit na maaari mong pakinabangan upang mahubog kung paano ginagamit ng iyong anak ang Internet:

  • Maraming site ang may mga gabay para sa mga magulang. Suriin ang mga iyon upang matiyak na nauunawaan mo kung paano isinasaalang-alang ng mga site na binibisita ng iyong anak ang kaligtasan.
  • Nag-aalok ang ilang site ng mga parental control. Gamitin ang mga parental control upang matukoy kung ano ang mga maa-access ng iyong anak.
  • Ang karamihan sa mga browser ay may mga setting na makakapag-block ng mga Web site o buong domain. Gamitin ang mga control na ito upang paunang piliin ang mga Web site na mabibisita o hindi mabibisita ng mga bata.
  • Maghanap ng available na software na makakasubaybay sa paggamit ng Internet ng mga bata.
  • Suriin ang mga patakaran sa privacy ng mga paboritong site ng iyong anak upang malaman kung anong uri ng impormasyon ang kinokolekta tungkol sa iyong anak, at kung paano ito ginagamit.
Bumalik sa Itaas back-to-top